VIGAN CITY – Malalimang imbestigasyon ang isinasagawa ngayon ng mga otoridad sa Bangued, Abra ang nangyaring pamamaril-patay sa isang dating barangay chairman.
Ito ay sa kalagitnaan ng naipatupad na enhanced community quarantine sa buong Luzon dahil sa paglaganap ng coronavirus disease 2019 kung saan limitado lamang ang galaw ng mga tao.
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, nakilala ang biktima na si Robert Buenafe Millare, 39-anyos na residente at dating kapitan ng Barangay Baniacao, Bangued, Abra.
Natutulog umano ang biktima sa bahay ni Sergio Bersalona nang mayroong armadong kalalakihan na natutok ng caliber 45 sa kanilang ulo at nagbanta na papatayin nila ang mga ito kung gagawa sila ng anumang ingay.
Pagkalipas umano ng ilang sandali, tinangay ng mga suspek ang biktima hanggang sa nakarinig na lamang ang mga naiwan nitong kasamahan ng sunod-sunod na putok ng baril kaya nagpasaklolo ang mga ito sa mga pulis na kaagad namang nagresponde.
Nakita na lamang ang bangkay ng biktima malapit sa Abra river ngunit nakatakas na ang mga suspek.