Nilinaw ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na hindi apektado ng kamakailangang insidente ng cyberattack ang database ng mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Ito ay kahit pa inamin ng ahensiya na nagkaroon ng leak sa ilang mga transaction data ng ilang miyembro ng Philhealth.
Ayon kay DICT Undersecretary Jeffrey Dy, base sa kanilang paganalisang ginawa lumalabas na walang remnants o hindi tinamaan ng Medusa malware sa database ng mga miyembro.
Sinabi din ng DICT official maaaring nagmula sa transakyon sa pagitan ng Philhealth at mga ospital ang ilang transactional data na hawak ng Medusa ransomware.
Ayon pa kay Dy, wala ding indikasyon na inside job ang nangyaring hacking sa Philhealth.
Tiniyak naman ng DICT sa Philhealth na ngayon ay mayroon na silang karagdagang cyber security measures sa kanilang websites.
Una rito, noong Huwebes, sinabi ng DICT na inexpose ng Medusa ransomware group ang kopya ng mahigit 600 gigabytes ng mga file mula sa PhilHealth sa isang dark website at isang Telegram channel noong Oktubre 5, dalawang araw pagkatapos magpaso ang deadline para sa idinemand na ransom na humigit-kumulang $300,000, o P17 million.
Kabilang sa mga na-leak na impormasyon ay ang mga larawan, bank card, at mga resibo ng transaksyon ng mga biktima.