-- Advertisements --

Isinusulong ngayon sa Senado na magkaroon na ng malinaw na database ng mga nasa informal sector.

Batay sa Senate Bill No. 1636 o Informal Economy Registration and National Database Act, nais ni Finance committee chairman Sen. Sonny Angara na matukoy na ang mga taong pasok sa nasabing sektor na kwalipikado sa higit na tulong ng pamahalaan.

Ang hakbang ay nabuo, makaraang lumitaw ang matinding dagok na dala ng COVID pandemic sa maliliit na manggagawa na kumakayod sa pamamagitan ng kanilang payak na kapasidad.

Naniniwala si Angara na malaking bagay ang database para hindi na mahirapan ang mga tatanggap ng ayuda, lalo na kung may kumakalat na sakit, may tumatamang kalamidad at iba pang sitwasyon.

Ang mga pasok sa naturang talaan ay katulad ng street vendors, domestic workers, agricultural workers, fisherfolk at mga katulad nitong trabaho na walang security of tenure.

Sa latest record, may 15.6 million na nasa informal sector sa ating bansa, subalit ang ilan sa kanila ay nasa malayong lugar kaya hindi agad nararating ng agarang tulong.