-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Tulad ng ibang ahensya ng pamahalaan ay namamahagi rin ng ayuda ang Department of Agrarian Reform (DAR) region 2 sa mga naapektuhan ng COVID-19 pandemic.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay G. Richard Francisco, Information Officer ng DAR Region 2, sinabi niya na ang programang ito ay pinamagatang””PaSSOver: ARBold Move for Deliverance of ARBs from the COVID 19 PandemicProject”.

Aniya, mayroon itong apat na components, una ay ang pagtulong sa mga magsasakang beneficiary ng Agrarian Reforms Organization habang mayroon pa ring pandemya.

Binibigyan aniya sila ng accreditation card para walang maging problema sa mga checkpoint kahit saan man nila dalhin ang kanilang mga ani.

Mayroon aniya silang 75 beneficiary dito.

Pangalawa ay ang pamimigay ng farm productivity assistance sa kanilang mga ARBs na namimigay sila ng mga buto ng gulay na madaling itanim at madali ring anihin, bukod pa sa mga pataba, pesticides at mga kagamitan sa pagsasaka.

Mayroon din aniyang 6,044 ang makikinabang dito.

Pangatlo ay ang livelihood for women kung saan mamimigay sila ng P15,000 sa bawat kababaihan na ARBs pero dapat sila ay ang head ng pamilya, o di kaya ay isang senior citizen at PWD na mayroong 75 beneficiary.

Panghuli ay ang pamimigay ng food packs na naglalaman ng bigas, delata, noodles, facemask, vitamin C at sabon.

Ayon kay Ginoong Francisco, sa kabuuan ay umaabot sa 11,151 ang posibleng mabigyan ng ayuda sa region 2 na may pondong P16 milyon.

Aniya, ang pondo sa programang ito ng DAR ay mula sa mga hindi nila nagamit noong 2019 hanggang unang quarter ng 2020.