dancesports renigen gayon
Triple gold medalist in dancesports courtesy of Mary Joy Renigen and Mark Jayson Gayon (Bombo Radyo photo)

Tulad nang inaasahan agad na humakot ng 10 mga gold medals ang dancesports sa unang araw pa lamang ng 30th Southeast Asian Games.

Nagbulsa na ng ikatlong gold medals ang mag-tandem na sina Mark Jayson Gayon at Mary Joy Renigen.

Sa ulat ni Bombo Bam Orpilla mula sa Royce Hotel sa Clark, Pampanga, hinakot ng dalawa ang medalyang ginto sa single dance waltz na may score na 29.950 gayundin sa single slow foxtrot na tumipon ng kabuuang 30.200.

Habang ang ikatlong gold ng mga ito ay sa event na Dancesport Five Dance.

Hindi rin naman nagpahuli sina Sean Mischa Aranar at Ana Leonila Nualla nang mamayani sa single dance tango pati na sa single dance Viennese waltz.

Nitong hapon muli rin namang humataw para sa gold medal performance ang mga Pinoy sa sa Latin category sa Single Dance Rumba at sa Dancesport-Single Dance Cha Cha.

Noong una pa man tinataya na ng mga Philippine officials na tatanghaling hari ang bansa sa larangang ito dahil sa angking galing sa pagsasayaw.

Umaabot sa bilang na 56 record breaking sports at mahigit 500 events ang paglalabanan ng 11 mga bansa sa loob ng halos dalawang linggo.