Ongoing ang isinasagawang damage assessment ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) sa mga lugar na dinaanan ng Bagyong Ursula partikular sa Region 8.

Sa initial report ng NDRRMC karamihan sa mga structure na nasira ay mga kabahayan na gawa sa light materials.

Habang sa ibang mga lugar ay nagpapatuloy pa ang nararanasang malakas na hangin at ulan.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay NDRRMC Spokesperson Mark Timbal na umabot na sa 912 pamilya o nasa 4, 115 indibidwal ang nagsilikas sa Region 8 o Eastern Visayas sa lugar.

Sinabi ni Timbal na ang mga nagsilikas na pamilya ay nagmula sa mga lalawigan ng Eastern Samar, Northern Samar, Samar, Leyte at Southern Leyte.

Sa Eastern Samar, pinakanakaramdam ng sungit ng Bagyong Ursula ang mga bayan ng: Jipadpad, San Julian at Giporlos.

Sa Northern Samar naman ay ang bayan ng Catarman.

Habang sa Samar, tinamaan ang Catbalogan City, Villareal, Calbiga, Jiabong at Basey.

Sa Leyte, apektado ang Tacloban City, Palo, La Paz, Dulag, Babatngon, Barugo, San Isidro, Isabel, Bato at Baybay.

Habang sa Southern Leyte ang apektado ay ang mga bayan ng Padre Burgos, Sogod at Tomas Oppus.

Patuloy naman na nakamonitor ang NDRRMC sa iba pang rehiyon na tinutumbok din ng Bagyo.

Siniguro naman ni Timbal na nakahanda na ang kanilang pwersa na umaagapay sa local disaster risk reduction and management office at mga local government unit na frontline sa pag responde sa bagyo.

Nakapwesto na rin umano ang kanilang mga kagamitan kagaya ng rescue boats sa mga bahaing lugar at relief goods naman bilang ayuda sa mga magiging biktima ng Bagyo.
Natukoy naman ng NDRRMC na aabot sa 2,939 Barangays sa mga bulubunduking lugar ang delikado sa landslide.
Habang nasa 3,652 Barangay naman ang nanganganib sa pagbaha sa mga mabababang lugar sa Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Eastern Visayas, Caraga at BARMM.