Ibinalik na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa kanilang “original post” ang dalawa sa mga opisyal ng rehiyon ng Calabarzon nito dalawang araw lamang matapos silang tanggalin.
Sa ginawang pagsisiyasat ng departamento, napagpasyahan na “wala silang ginawang mali.”
Matatandaang inilipat sa DSWD Central Office sina Region 4A Director Barry Chua at Assistant Regional Director Mylah Gatchalian habang isinagawa ang imbestigasyon matapos magreklamo si Noveleta Mayor Dino Chua tungkol sa mahigpit na pangangailangan para sa tulong para sa mga pamilyang naapektuhan kamakailan ng Severe Tropical Storm Paeng.
Abswelto ang dalawang opisyal sa alegasyon dahil sumusunod lamang sila sa mga umiiral na patakaran.
Paliwanag ng kagawaran, nasa ilalim ng patakaran ng DSWD na tanggihan ang isang indibidwal ng kanilang tulong kung hindi sila makapagpakita ng ID, kung wala sila sa listahan ng benepisyaryo, o kung hindi sila inendorso ng barangay.
Higit pa rito, sinabi rin ng kagawaran na ang lokal na pamahalaan ang nagdala ng 500 benepisyaryo, kahit na mayroon lamang silang 200 sa kanilang listahan ng mga benepisyaryo.