BOMBO DAGUPAN — Nasa dalawang katao ang nasawi bunsod ng paghagupit ng Typhoon Khanun sa bansang Japan.
Ito ang ibinahagi ni Bombo International News Correspondent Myles Briones Beltran, hinggil sa pananalasa ng naturang bagyo sa Okinawa Is.
Sa panayam ng Bombo radyo Dagupan, sinabi nito na nasawi ang isang 89-anyos na ginang na nagsindi ng kanyang kandila bunsod ng pagkawala ng power supply sa gitna ng pananalasa ng bagyo. Nakikita sa imbestigasyon na natulugan na niya ang kandila na pinagsimulan ng apoy na mabilis na tinupok ang kanyang tirahan.
Samantala, nasawi naman ang isang 90-anyos matapos gumuho ang garahe ng kanyang tirahan, habang hindi bababa sa 60,000 katao naman ang nasugatan, at nasa 600,000 na pamilya naman ang nawalan ng suplay ng kuryente.
Kaugnay nito ay inaasahan naman na malaki ang iniwang pinsala ni Typhoon Khanun sa Okianwa Islands.
Ani Beltran na malawak ang naging sakop ng pagdaan ni Typhoon Khanun sa southern Japan, at bumalik pa ito sa kalupaan ng bansa bago tuluyang lumabas ng kanilang area of responsibility.
Sa kabila nito ay nag-resume na ang serbisyo ng public transportation gaya ng mga bullet trains at mga flights, kumpara noong una kung saan ay tatlong araw itong nakansela dahil sa lakas ng bagsik ng bagyo.
Maliban naman sa mga nagsipagtumbahang mga puno ay tinataya na ang pinakamalaking pinsala ay natamo sa agriculture sector.