Naglaan pa ng dagdag na contraceptives ang Commission on Population and Development (POPCOM) sa mga lugar na nananatiling nasa enhanced community quarantine (ECQ) at localized lockdown.
Ayon kay POPCOM Executive Director Juan Antonio Perez III sa panayam ng Bombo Radyo, ginawa nila ito para hindi gaanong lumobo ang populasyon ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.
Sa pagtaya kasi ng mga eksperto, milyon-milyon ang madaragdag sa populasyon ng bansa, dahil nananatili lamang sa bahay ang mga mag-asawa.
Noong 2016, mayroong 103.24 million population ang Pilipinas; 104.92 million naman noong 2017; 106.6 million noong 2018, habang 108.31 million naman noong nakaraang taon.
Naniniwala si Perez na malaki ang magiging impact sa kabuhayan ng pamilya kung madaragdagan ng panibagong miyembro habang hindi pa gaanong handa ang mag-asawa.
Mabigat na hamon aniya ang umiiral na pandemic dahil marami ang nawalan ng trabaho, habang maging ang maliliit na negosyo ay naapektuhan din ng community quarantine.










