-- Advertisements --

Umapela ng tulong pinansyal sa publiko ang isa sa 11 indibidwal na dawit sa pagkamatay ng 23-anyos na flight attendant na si Christine Dacera.

Ayon kay Valentine Rosales, isa sa matalik na kaibigan ng biktima, nahihirapan umano sila na bayaran ang kanilang kinuhang abogado.

Ginawa ni Rosales ang naturang pahayag sa kaniyang Twitter account na ngayon ay umani na ng 6,600 retweets at mahigit 20,000 likes.

Ilang beses nang iginiit nina Rosales at tatlo pa nitong kasama na wala silang kinalaman sa pagkamatay ni Dacera sa kabila ng sinabi ng mga otoridad na di-umano’y hinalay muna bago patayin ang dalaga.

Naniniwala sina Rosales, Rommel Galido, John Pascual Dela Serna III at Clark Rapinan na natural cause ang dahilan sa pagkamatay ni Dacera at walang naganap na foul play.

Una nang nakulong ang tatlo subalit kalaunan ay pinalaya rin ng Makati City Prosecutor’s Office dahil sa kakulangan ng ebidensya kaugnay ng mga hinaharap nilang paratang.