Daan daang mga residente ang nagpalipas ng magdamag sa labas ng kanilang mga tahanan sa lalawigan ng Abra dahil sa patuloy na aftershocks, habang ang ilang mga bahay ay winasak ng malakas na lindol kahapon ng umaga.
Sinasabing ang iba sa mga residente ay nanatili sa evacuation center, ang iba naman sa plaza ng siyudad, ang iba naman ay sa kalsada o gilid ng kanilang bahay.
Iniulat ni Mayor Mila Valera ng Bangued, Abra, ang malakas na pagyanig ay nagdulot ng pagkasira ng ilan nilang kalsada, tatlong mga tulay ang na-damage, walong mga government facilities ang nagtamo ng pinsala at pito ang mga commercial building.
Una nang iniutos ng alkalde na lumikas muna ang mga kababayan niya sa mga establisyemento.
Pansamantala rin niyang ipinasara ang mga kalsada patungo sa sentro ng bayan at kontrolin ang suplay ng gasolina.
Dahil sa sarado ang mga tindahan, pansamantala munang ibinibigay ang mga tinapay at tubig.
Ang iba kasing mga residente ay nagho-hoard o nagtatago ng mga pagkain kaya ipinasara muna ang mga tindahan.
Una na ring nagreport ang Bombo Radyo Vigan correspondent doon sa Bangued na ang local government unit ay nagtayo muna ng 25 modular tents upang magsilbing temporary houses para sa mga evacuees.
Gayunman ayon sa DSW, kulang ang mga tents dahil dumarami ang mga pamilya na nagtutungo sa evacuation centers upang sunduin ang kanilang mga naiwang kasama sa kanilang mga bahay upang isama.
Sa kabila nito, ipinapatupad naman daw ang pagsusuot palagi ng face mask at social distancing.