Isinailalim ng Dangerous Drugs Board ang mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency at Philippine National Police sa masinsinang online seminar ukol sa mga anti-illegal drugs operation and investigation.
Ayon kay DDB Deputy Executive Director for Operations Maria Belen Angelita V. Matibag, isinagawa ang nasabing seminar, upang malinang ang kakayahan at responsibilidad ng mga ahente ng batas ukol sa Anti-illegal drugs operations na kanilang isinasagawa.
Umabot naman sa 143 personnel mula sa national Police College at 58 mula sa PDEA ang nakinabang sa nasabing seminar.
Sa datus ng naturang konseho, mula noong 2015-2019, umaabot sa 1,323 Police Non-Commissioned Officers at PDEA agents sa buong bansa ang sumailalim sa kahalintulad na seminar.
Mula noong 2021 hanggang sa kasalukuyang taon, umabot naman sa 1,558 enforcers ang sumailalim dito.
Paliwanag ng DDB, nais nitong lalo pang malinang ang competency level ng mga law enforcers sa usapin ng anti-narcotics operations, kasabay na rin ng pagnanais na malinis ang bansa mula sa ilegal na kalakalan ng droga.
nagsimula ang naturang training noong Agosto-14 at natapos kahapon, Agosto-18.