-- Advertisements --
image 456

Tutukan ng Department of Agriculture (DA) ang mga resources at program sa produksiyon at suplay ng bigas.

Ito ay upang maibsan ang epekto ng El Nino phenomenon sa bansa ayon kay DA spokesperson Kristine Evangelista dahil isang rice-eating country ang Pilipinas.

Kabilang na dito ang irigasyon, farm clustering at digitalisasyon na inilalatag bilang tugon sa banta ng El Nino.

Ayon sa DA official, nakikipagtulungan na rin ang ahensiya sa National Irrigation Administration para malinang pa ang irrigation systems ng mga magsasaka lalo na sa mga lugar posibleng tamaan ng El Nino.

Patuloy din ang pag-assess ng DA sa mga lugar na hindi gaanong apektado ng weather phenomenon upang mapanatili pa rin ang produksiyon at mabawi ang inaasahang mawawala sa mga maapektuhang lugar.

Una rito, base sa pagtaya ng state weather bureau, magsisimula ang El Nino sa bansa sa pagitan ng Hunyo at Agosto ng kasalukuyang taon at magpapatuloy pa hanggang sa taong 2024.