CAUAYAN CITY – Nanawagan ang Department of Agriculture (DA) Region 2 sa publiko na huwag ng buksan ang kanilang na-hack na FB Page at i-unfollow na lang.
Sa naging panayan ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Hector Tabbun, Chief ng DA-Regional Agricultural and Fisheries Information Section na na-hack ang kanilang facebook page noong April 20, 2023 matapos ang kanilang C2 Summit sa Iguig, Cagayan.
Noong una ay nakapag-upload sila ng kanilang aktibidad ngunit nang mag-upload muli sila ay napasok na ng hacker ang kanilang page.
Dito na tinanggal ang mga administrator ng DA Region 2 na agad nilang kinonsulta sa kanilang IT experts ngunit hindi na nabawi dahil pinalitan na agad ang kanilang E-mail Address.
Iniulat na rin nila sa Police Regional Office 2 (PRO2) at tumutulong na ang kanilang cyber crime division na agad nakipag-ugnayan sa pamunuan ng Facebook Philippines.
Nanawagan sila sa publiko na kung ma-access ang kanilang FB Page at makita na may malalaswang content ay i-unfollow na lang o kaya ay ireport sa facebook Philippines upang ma-aksyunan agad.
Samantala, ang isa sa tinitingnan nila ay ang posibleng mga nagpa-pop-up na link na nabuksan ang sanhi ng pagkakahack ng kanilang account.
Samantala, inihayag ni PLt. Jovanie Daniel, Chief Operations Section ng Regional Anti-Cyber Crime (RACCU) 2 na ipinaalam na nila sa kanilang national headquaters ng Anti Cyber Crime Division ang pagkaka-hack ng FB Page ng DA Region 2 at iniulat na rin nila sa Facebook Philippines upang matake-down na ang naturang account.
Nagpaalala siya na ang pinaka-rampant ngayon sa pag-hack ng account ay ang mga tinatawag na click bait advertisement na kapag nabuksan ay maaring manakaw ang password.
Pinayuhan niya ang publiko na huwag ng pansinin ang mga kaduda-dudang mga ipinapadalang link upang maiwasan na ma-hack ang account.
Mayroon din aniyang nagtutungo at tumatawag sa kanilang tanggapan upang iulat na nahack ang kanilang account.
Kailangang iulat din na na-hack ang account para kapag nagamit sa illegal na gawain ay mapapatunayan na hindi sila ang nagsend ng mga messages.