Aabot ng P1.1 billion halaga ng pinsala ang iniwan ng Super Typhoon Rolly sa sektor ng agrikultura, ayon kay Sec. William Dar.
Sa isang press briefing, sinabi ni Dar na 20,000 magsasaka ang apektado ng Bagyong Rolly, na nag-iwan ng pinsala sa bigas, mais, at iba pang mga high-value crops.
“As of today, this morning, the initial estimated agricultural damages and losses are totaling P1.1 billion. This has been brought about by the Typhoon Rolly,” ani Dar.
Samantala, ang Bagyong Quinta naman ay nag-iwan ng P2 billion halaga ng danyos, ayon kay Dar.
Nakatakdang magbigay ng tulong ang Department of Agriculture sa apektadong sektor sa pamamagitan nang ipapamahaging 133,326 bags ng rice seeds at 17,545 bags naman ng corn seeds na naka-posisyon na sa mga apektadong rehiyon.
Bukod dito, inihahanda na rin nila ang tulong para naman sa mga apektadong livestock at poultry owners.
Para sa mga apektadong mangingisda, sinabi ni Dar na mamamahagi ang DA ng 10 million tilapia at milkfish fingerlings pati na rin ng mga kagamitan sa pangingisda.
Nag-aalok din ang DA ng P25,000 survival at recovery loan sa mga apektadong magsasaka.
Sa ngayon, ang DA ay mayroong P400 million na quick response fund na maaring gamitin sa rehabilation.