-- Advertisements --

Inihayag ni House Committee on Appropriation Vice Chair at Iloilo 1st District Rep. Janette madaming magagandang programa ang nakalinya para sa mga manggagawa sa agrikultura.

Hindi lamang sa pagtatanim at pag-aalaga ng mga hayop bagkus isang buo at kumpletong sistema na makatutulong sa sapat at abot-kayang pagkain ang tututukan ng Department of Agriculture(DA) sa susunud na taon sa ilalim ng 2023 national budget na itinaas ng 40 porsiyento o nasa P163.8-billion.

Sa kanyang sponsorship speech sinabi ni Garin na ang mataas na budget ng DA ay patunay na top priority ni Pangulong Bongbong Marcos ang Food Security.

Ayon kay Garin ang budget ng DA ay ilalaan sa pagpapalakas ng local production, pagpapababa sa production costs, pagpapataas sa kita ng mga magsasaka at mangingisda at pagtiyak na may sapat na supply ng masusustansyang pagkain para sa lahat.

Sinabi ni Garin ang target ng DA ay isasakatuparan sa pamamagitan ng paglalatag ng programa gaya ng National Rice Program, vegetable production program, Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion program para sa manok at baboy at Fisheries Production Program sa ilalim ng Bureau of Food and Animal Resources(BFAR).

Palalakasin din ang coconut industry sa pamamagitan ng pagpapatupad ng Coconut Industry Development Program at pagtiyak na may sapat na supply ng tubig sa pamamagitan ng suporta sa irigasyon sa ilalim ng National Irrigation Administration.

Ipinaliwanag ni Garin na hindi lamang food production ang palalakasin ng DA sa tulong ng malaking budget ngayong 2023 bagkus ay bibigyang importansya din ang welfare ng mga magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng paglalaan dito ng credit at financial assistance na nasa P2.75-billion.

Aniya, ang pautang ay ibibigay sa may 30,000 magsasaka, mangingisda at 130 Micro, Small, and Medium Enterprises(MSMEs) sa ilalim ng Agricultural Credit and Policy Council habang ang financial assistance ay sa pamamagitan ng fuel assistance na ibibigay sa may 300,000 magsasaka at mangingisda sa buong bansa.

Sinabi ni Garin na malinaw sa direktiba ni Pangulong Marcos ang pagkumpleto sa Farm-to-market Road(FMR) network kaya isa ito sa prayoridad sa susunud na taon, sa datos ng Department of Agriculture(DA) ay 111,000 ang FMR na dapat ayusin at sa nasabing bilang ay 30% na ang nagawa.

Tiniyak ni Garin na siyang nag-isponsor sa 2023 budget ng DA na suportado ng Kamara ang proposed budget ng departamento.
Sa ilalim ng 2023 budget ay hindi lamang ang DA ang tinaasan kundi ang lahat ng 8 agricultural agencies na mula P46.2B noong 2022 ay itinaas sa 33% o nasa P62-billion.

Kabilang sa mga ahensyang ito ang National Food Authority, Sugar Regulatory Administration, National Irrigation Administration, Philippine Rice Research Institute, Philippine Fisheries Development Authority, National Tobacco Administration, Philippine Coconut Authority at National Dairy Authority.

Nabatid na sa nabanggit na walong ahensiya ay ang NFA ang may pinakamataas budget na nasa 71 percent increase mula sa P7 billion nasa P12B na ito ngayon,sinundan ng SRA na tinaasan ng 41% ang budget na dati nasa P712.2M ay ginawa na ito ngayon sa P1-billion.

Ang DA- Office of the Secretary (OSEC) tinaasan din ang budget ng 48% na mula P61B ay naging P90.2- billion.

Ang National Rice Program na nasa ilalim ng OSEC ay dinoble din ang alokasyon P15.8 billion ay magiging P30.5 billion kung saan P19.5 billion ay pondo para sa pagbili ng fertilizer.

Maliban sa nasabing mga ahensya ay tinaasan din ang budget ng Fertilizer and Pesticide Authority ng 66 percent, mula sa P156 million ay naging P259M at Bureau of Fisheries and Aquatic Resource na tinaasan ng 35% ang budget na ngayon ay nasa P6.3B mula P4.7 billion.