Itutulak daw ng Department of Agriculture (DA) ang kanilang banner programs sa 2023 partikular na ang pagpapataas ng prime commodity production sa bansa kabilang na ang target na 20 million metric tons ng bigas.
Sinabi ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa na dinoble raw nila ang panukalang pondo para sa National Rice Program mula P15.8 billion noong 2022 sa P30.5 billion sa susunod na taon.
Ito ay para matugunan na rin ang pagbaba projected rice production sa bansa.
Dagdag nito, sa P30.5 billion, target ng DA na mag-allocate ng P19.5 billion para sa fertilizer assistance na magdadala ng 20.4 million metric tons ng bigas sa 2023.
Una nang nagbabala ang ilang dating opisyal ng DA na nagbabadya ang food crisis lalo na sa palay, mais at iba pang
basic commodities sa gitna na rin ng mataas na presyo ng farm inputs.
Nakipag-ugnayan na rin daw ang DA sa kanilang mga regional offices para ibuhos na lahat ang kanilang unobligated funds hanggang sa buwan ng Disyembre.
Magbibigay naman daw ang DA ng geographical breakdown na karagdagang P21 billion na kanilang hinihiling sa national expenditure program.
Ito ay katumbas daw ng 107-percent increase kasunod ng inquiry ng sinasabing “low allocation” sa ilang rehiyon gaya ng Region 6 (Western Visayas), Region 7 (Central Visayas) at Region 8 (Eastern Visayas).
Ang naturang mga rehiyon ay apektado ng mga nagdaang kalamidad sa bansa.
Kabilang na rito ang expenditure sa agricultural equipment, facilities at infrastructure para sa farm-to-market roads, small-scale irrigation, types ng machinery at ang maliit na bahagi ng personal services.
Sa kabuuan, nasa 40-percent increase ang hirit ng DA na budget mula sa P117.29 billion noong nakaraang taon sa P163.75 billion sa taong 2023.