-- Advertisements --

Nakatakdang mamahagi ng panibagong tulong ang Department of Agriculture (DA) para sa mga magsasaka matapos lumobo pa sa mahigit P357 million ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura dahil sa matinding El Niño.

Batay sa latest buletin na inilabas ng ahensiya, apektado ngayon ang nasa 7,668 magsasaka sa Ilocos region, Mimaropa, Western Visayas, at Zamboanga Peninsula.

Karamihan sa mga naitalang pinsala ay sa rice production kung saan 11,480 metrikong tonelada ang naapektuhan, sinundan ng maisan at high value crops.

Kaugnay nito, mamamahagi ang ahensiya ng vegetable seeds sa nasabing mga rehiyon, planting materials para sa high-value crops na nangangailangan lamang ng kaunting tubig sa Zamboanga Peninsula.

Bukod dito, isusulong din ng DA ang paggamit ng drought-resistant crop varieties at magkaroon ng pest management operations sa mga lugar na may kakaunting pag-ulan.

Matatandaan na sinimulan ng DA ang cloud-seeding operations sa Cagayan valley at pamamahagi ng hybrid rice seeds at fertilizers sa mga magsasaka sa Western Visayas.

Patuloy din pagtulong sa sektor ng agrikultura sa pakikipagtulungan sa DSWD at DOLE para sa pagbibigay ng tulong pinansiyal at kabuhayan.