Inihayag ng Department of Agriculture (DA) na mas maraming bigas ang maaaring anihin ngayong taon kumpara noong nakaraang taon kahit na may epekto ng El Niño sa bansa.
Ayon kay DA Assistant Secretary Arnel de Mesa inaasahan nilang mayroong 20.4 milyong metriko tonelang bigas na aanihin sa 2024, kumpara sa 20.06 milyong metriko tonelada noong 2023.
Dagdag pa ni De Mesa, mas maganda ang uri ng mga binhing ginagamit ngayon.
Gayunpaman, binanggit ni De Mesa na mayroong kaunting pagbaba sa ani ng bigas sa unang quarter ng taon na umabot sa 100,000 metriko tonelada.
Samantala, ang mga naitalang halaga ng pinsala ng El Niño sa agrikultura ay sakop din ng government’s expected losses taun-taon.
Ayon sa opisyal, noong El Niño noong 1997 hanggang 1998, naapektuhan ang 370,000 ektarya. Ngayong taon, sinabi niya na inaasahan ng DA na mayroong 120,000 ektaryang maaapektuhan, pero sa kasalukuyan nasa 58,000 ektaryang pa lang ang nasira.
Batay sa datos ng gobyerno, hanggang Huwebes, Mayo 2, umabot na sa P5.9 bilyon ang pinsalang dulot ng El Niño sa agrikultura.
Ang bigas pa rin ang pinakanaapektuhan na pananim, na may kabuuang halaga ng pagkalugi na P3.1 bilyon, sinundan ng mais na may P1.76 bilyon, at mga high-value crops na may P958 milyon.
Ang Mimaropa, Cordillera Administrative Region, at Western Visayas ang tatlong pinakanaapektuhang rehiyon.