Nilinaw ng pamunuan ng Bureau of Customs (BOC) na mahigpit din ang kanilang ipinatutupad na panuntunan kontra sa pagtanggap ng regalo ng mga kawani at opisyal nito.
Sinabi ni Customs chief Rey Leonardo Guerrero na walang katumbas na kahit anong halaga o gamit ang kanilang mandato sa ahensya kontra katiwalian.
Kung maaalala, pinag-usapan ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan na nagsabing wala siyang nakikitang mali sa pagtanggap ng regalo ng mga pulis kapalit ng magandang serbisyo.
Hindi rin daw ito nakikita ng presidente na akto ng panunuhol.
Nilinaw ni Guerrero na kailanman ay hindi siya tumanggap ng suhol bilang Customs chief, gayundin bilang military chief noon.
“‘Di ako tumatanggap, hindi ako tatatanggap at never akong tumanggap.”
Sa ilalim ng Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, ipinagbabawal ang pagtanggap ng regalo ng sino mang pampublikong opisyal lalo na kung may kinalaman sa kanilang trabaho ang pagbibigay nito.