Nasa kamay na raw ng Office of the Solicitor General ang kapalaran ng Department of Energy (DOE) circular na hinaharang ngayon ng ilang kompanya ng langis.
Ayon kay Energy Sec. Alfonso Cusi, nai-refer na ng kanyang tanggapan sa Solgen ang pagharap sa petisyong temporary restraining order na inihain ng Pilipinas Shell.
Iginagalang naman daw ng kalihim ang pag-alma ng oil industry players kahit pa dumaan sa konsultasyon ng mga ito ang naturang department circular.
Sa ilalim kasi ng bagong panuntunan, inaatasan ng DOE ang bawat kompanya ng langis na magbigay ng detalyadong impormasyon hinggil sa gagawing price adjustment sa mga produktong petrolyo.
Nauna ng naghain ng hiwalay na TRO sa Makati City Regional Trial Court ang Philippine Institute of Petroleum (PIP)
Sa mensaheng ipinadala sa Bombo Radyo sinabi ni PIP executive direcor Teddy Reyes na mas epektibo pa rin ang hindi mahigpit panuntunan.
“The oil industry is deregulated. Therefore the market itself sets the price. Prices in retail stations located nationwide have varying pump prices. Since its the market itself which dictates the price. Strictly speaking there is no fixed price formula and amounts in any given time.”
Napatunayan na rin daw ito sa isang pag-aaral na siyang pinangunahan pa umano ni Bangko Sentral governor Benjamin Diokno noon.
“In a DOE commisioned study on oil company performance. IOPRC study headed by then UP economic expert Ben Diokno’ major findings point that prices are reasonable. Oil industry make fair returns. Much lower than food, telecoms, banks and pharmaceuticals.”
Kaugnay nito sinabi ni dating Energy Usec. Jay Layug na paglabag sa Oil Regulation Law ang nais ng kasalukuyang DOE.
Ayon kay Layug, hindi maaaring maglabas ng sensitibong impormasyon ang oil companies hinggil sa mga porsyentong natatanggap nito mula sa mga ibinebentang produkto.