-- Advertisements --

Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde na isa si Police Regional Office (PRO)-3 regional police director C/Supt. Amador Corpus na ikinukonsiderang pumalit kay Criminal Investigation and Detection Group Director Roel Obusan.

Ito’y kapag nagretiro na si Obusan sa serbisyo sa Nobyembre ngayong taon.

Ayon kay Albayalde, mahusay ang performance ni Corpuz kaya maaalis lang ito sa PRO-3 kung siya ay ma-promote na.

Hindi naman binanggit ni Albayalde kung sino ang posibleng pumalit kay Corpuz bilang regional director ng PRO-3.

Kamakalawa lamang ay inanunsyo ng PNP ang pinakuhuling balasahan sa kanilang hanay na resulta ng regular assesment ng PNP Oversight Committee sa performance ng mga matataas na opisyal.

Kabilang sa mga inilipat ng puwesto sina: Pol. C/Supt Daniel Galliguez Macatlang Jr., na inilipat sa Directorate for Integrated Police Operations, Eastern Mindanao (DIPO-EM) mula sa Directorate for Plans and Logistics (DPL); Pol. C/Supt. Anthony Sanga Alcañeses sa DPL mula sa DIPO-Southern Luzon; Pol. S/Supt. Manuel Manalo Abu sa Directorate for Police Community Relations (DPCR) mula sa Special Action Force (SAF); Pol. S/Supt. Mario Navarro Rariza sa DIPO-Southern Luzon mula sa DPCR; S/Supt Luisito Prado Magnaye sa SAF mula sa Office of the Deputy Chief for Operations (OTDCO); at Pol. S/Supt. Emmanuel Baloloy Peralta sa OTDCO mula sa PRO-Cordillera.