Pinaalalahanan ng Civil Service Commission (CSC) ang mga kawani ng pamahalaan na iwasang sumali o makisawsaw sa mga electioneering at partisan activities kasabay ng BSKE 2023
Ginawa ni CSC Chairperson Karlo Nograles ang naturang paalala bilang gabay sa 1.9 million na empleyado ng pamahalaan.
Paliwanag ng CSC Chief, magsisilbing guide ng mga kawani ng pamahalaan ang nilalaman ng CSC – Commission on Elections (COMELEC) Joint Circular na sumasaklaw sa mga empleyado ng pamahalaan, anuman ang kanilang estado: civil, permanent, contractual, o casual, na nagtatrabaho saanmang sangay ng pamahalaan.
Kasama rin dito aniya ang mga career officer na may hawak na political offices, mapa-OIC man o permanente.
Maging ang mga miyembro ng unipormadong hanay ay saklaw din ng naturang regulation.
Ayon kay Nograles, ang mga empleyado at opisyal ng pamahalaan ay pagbabawalang gumawa ng mga sumusunod:
Mangampanya o bumuo ng mga grupo at organisasyon para ikampanya ang mga napupusuang kandidato; pagdaraos ng mga meeting, rally, o mga aprade para makakuha ng supurta para sa isang kandidato; at pagsama sa misong kandidato upang mangampanya.
Sa paggamit naman ng social media, maaari aniyang mag-repost, mag-komento, o mag-follow ang mga empleyado ng pamahalaan sa account ng mga napupusuang kandidato, basta hindi sila tahasang humihingi ng suporta para o laban sa isang kandidato.
Babala ng CSC Chair, ang mga empleyado ng pamahalaan na mapapatunayang nagkasala dahil sa electioneering at partisan politics ay papatawan ng kaukulang parusa.
Kinabibilangan ito ng suspensyon mula isang buwan at isang araw hanggang anim na buwan sa unang pagkakasala, at pagkakatanggal sa serbisyo sa ikalawang pagkakataon.