Magsasagawa ng sariling imbestigasyon ang Commission on Human Rights (CHR) sa anila ay “cruel and inhuman” twin blasts sa Jolo, Sulu noong Lunes, Agosto 24.
Iginiit ni CHR spokesperson Atty. Jaquelin Ann de Guia walang sinuman ang dapat na makaranas ng karahasan katulad ng nangyari sa Sulu.
Kasabay nito ay nagpaabot ng pakikiramay ang CHR sa pamilya at mahal sa buhay ng mga nasawi dahil sa nangyaring mga pagsabog.
“In aid of pursuing justice, CHR through our concerned Regional Office shall also be investigating the case,” ani De Guia.
Nabatid na 15 katao ang nasawi habang 78 naman ang sugatan sa naturang insidente.
Kabilang sa mga namatay ay pitong sundalo, anim na sibilyan, isang pulis, at ang babaeng suicide bomber na siyang dahilan sa ikalawang pagsabog, ayon sa Joint Task Force Sulu.