Inirekomenda ni House Ways and Means Committee chairman Joey Sarte Salceda na magkaroon ng “creative disruption” sa banking sector.
Sa isang report, isinusulong ni Salceda ang apat na reporma na sa tingin niyang makakatulong para sa konserbatibong banking sector sa Pilipinas: ang Virtual Banking Act, Financial Technology Industry Act, Blockchain Technology Development Act, at the Fair and Inclusive Credit Reporting Act.
Sa kabila kasi ng inilabas na P1.9 trillion “new money” ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) nang magpasok ito ng monetary policy adjustments ay halos wala namang naitalang credit growth.
Bukod sa epekto ito ng lockdown bunsod ng COVID-19 pandemic, sinabi ni Salceda na tanging 30 percent lamang ng mga negosyo ang nakautang sa mga bangko.
Malinaw aniya na hindi ito basta “financial inclusion problem” lamang dahil kahit may bangko man ang mga tao ay hindi naman sila kaagad nagkakaroon ng access sa mga pautang.
Base sa World Bank Enterprise Survey, natuklasan na bagama’t 93 percent ng mga itinuturing na formal businesses ay may bank accounts, tanging 30 percent lamang sa mga ito ang may access sa mga loans.
Sa kanyang report, sinabi ni Salceda na maraming puwang na dapat punuan sa konserbatibong banking sector.
Isa na aniya rito ang mababang policy transmission, pangit na kalidad ng serbisyo at problema sa accessibility sa mga bangko.