CAGAYAN DE ORO CITY – Hinamon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang Communisty Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) na maglabas ng patunay na mayroong military cover-up sa pagkapatay ni NPA-National Democratic Front (NDF) Mindanao spokesperson Jorge Madlos alyas Ka Oris sa Impasug-ong, Bukidnon mahigit isang linggo na ang nakalipas.
Ito ang panibagong kasagutan ni 403rd Infantry Brigade commander Brig. Gen. Ferdinand Barandon Jr ukol sa iginiit ng isang nagpakilalang Marco Valbuena ng CPP na kaya minadali ang pag-cremate kay Ka Oris ay mayroong nais itago ang puwersa ng estado.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Barandon na mas mabuti sana kung lalabas ang tunay na katauhan ni Valbuena at pinuntahan ang encounter site upang mahawaan rin ito ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sinabi ng heneral na upang mabigyang kabuluhan ang patutsada ng mga komunista ay ilatag nila ang mga ebidensiya kaysa hanggang pagpapalutang lamang ng mga propaganda.
Magugunitang matapos nadiskobre ng government forces ang bangkay ni Ka Oris at kanyang medical aide ay agad itong kinunan ng RT-PCR at kalaunan ay positibo ng bayrus kaya mabilis na ibinaba patungo sa Cagayan de Oro City para isailalim ng cremation.
Sa ngayon,patuloy na nanatili pa sa kustodiya ng municipal government ang abo ni Ka Oris habang hinihintay na kukunin ng kanyang mga kaanak at dadalhin pabalik sa Siargao, Surigao del Norte.