DAVAO CITY – Kaagad ipinatupad ang 14 day quarantine sa isang barangay sa Davao de Oro matapos na tumakas sa isolation facility ang unang kaso ng nagpositibo sa COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) sa kanilang lugar.
Sa inilabas na Executive Order (EO) ESJ-20-029 ni Montevista Mayor Eutropio Jayectin, dalawang linggo ang quarantine sa Barangay Mayaon kung saan labas-pasok umano ang pasyente sa isolation facility.
Sinasabing 10 beses na tinakasan ng pasyente ang isolation security personnel bago pa man lumabas ang kanyang resulta na positibo ito sa deadly virus.
Nagawa pang makabili ng pasyente sa tindahan, makipag-usap sa kanyang mga kaibigan at may close contact sa isang hindi nakikilalang masahista na naghatid sa kanya ng pagkain.
Napag-alaman na ang COVID-19 patient ay locally-stranded individual na dumating sa lugar noong Hulyo 6 at na-confine sa Barangay Mayaon isolation unit.
Inihayag din ng alkalde na “asymptomatic” ang pasyente na kasalukuyang nasa Davao de Oro Provincial Hospital.
Mahigpit ngayon ang ipinatupad na monitoring sa Barangay kung saan ang mga residente ay hindi papayagan na makalabas maliban lamang kung bibili ito ng pagkain, gamot at kung may emergency o pupunta sa ospital.