-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nag-abiso ang Department of Health Center for Health Development – Bicol (DoH-CHD-Bicol) na pansamantalang ititigil ang operasyon ng Bicol Regional Diagnostic and Reference Laboratory (BRDRL) simula ngayong araw, Mayo 16.

Ito ay matapos maapektuhan ng bagyong Ambo ang isa sa mga kagamitan sa naturang laboratoryo dahil sa power interruption na naranasan.

Sa pahayag ni DoH Bicol Director Dr. Ernie Vera, napinsala umano ang exhaust duct ng biosafety cabinet kung saan ipino-proseso ang mga samples na para sa Reverse Transmission–Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) o coronavirus testing.

Sa ngayon, hindi muna tatanggap ng samples ang naturang laboratoryo “until further notice” hangga’t hindi naaayos ang exhaust duct.

Nasa 146 ang natitirang samples ang ipinadala na sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) upang isailalim sa testing bago ang pagpaso ng “allowable life span” ng specimen.

Agad namang ilalabas ang resulta sakaling available na.

Hangad naman ni Vera ang pang-unawa ng publiko lalo pa’t hinahanapan na umano ng paraan upang kagyat na maayos ang problema at nang hindi mahadlangan ang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) testing.