-- Advertisements --
teachers rally salary students
ACT photo (file)

DAGUPAN CITY – Naglatag ng ilang polisiya at rekomendasyon ang sektor ng mga guro sa ating bansa bunsod ng maaantalang pagbalik eskuwela ng mga estudyante.

Ayon kay Shiela Lim Manuel, National Capital Region (NCR) president ng Action and Solidarity for the Empowerment of Teachers o ASERT, mainam kung isasagawa ang patakarang “No Testing, No School Opening.”

Batid aniya nila na kakailanganin ng malaking pondo para rito lalo pa’t wala rin namang kasiguraduhan na hindi kakalat sa mga estudyante ang Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) kung bubuksan ng maaga ang pasukan.

Giit nito na dapat maging prayoridad ang kalusugan at kaligtasan ng mga mag-aaral.

Lubha ng nakakabahala aniya ang malaking bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 sa ating bansa maging sa kanila bilang mga guro kaya hiling na huwag sana magmadali o magpadalos-dalos ang Department of Educationsa magiging desisyon.

Dagdag ng ASERT-NCR president, mayroon pa namang alternatibong paraan upang maipagpatuloy ang pag-aaral tulad na ng “peer teaching and responsible adult teaching’ sa halip na pagkakaroon ng online class.

Sa loob din daw ng bahay ay maaari ring matuto ang mga bata sa pamamagitan ng paggabay at pagtuturo ng kanilang mga magulang o kahit na sinumang nakatatanda sa kanila.

Para kay Manuel, hindi mapag-iiwanan o maaapektuhan ang learning system ng mga estudyante dito sa ating bansa dahil hindi lang naman ang ating nasasakupan ang nakikipaglaban sa COVID pandemic at nagkaroon ng pagkaantala sa pag-aaral.