Iginiit ng tagapagsalita ng Senate Impeachment court na dapat nagsumite ang depensa ni Vice President Sara Duterte ng formal motion to quash upang kuwestiyunin ang subpoena kay retired Sandiganbayan Justice Amparo Cabotaje-Tang.
Ayon kay impeachment court spokesperson Reginald Tongol, kailangan sanang ihain ang naturang mosyon bago maupo si Tang bilang saksi upang mabigyan ng due process ang panig na kumukuwestiyon sa subpoena.
Ipinaliwanag naman ng defense spokesperson na si Atty. Michael Poa na hindi sila nagsumite ng motion to quash dahil magiging premature umano Uto noong una, dahil Hindi pa malinaw ang lawak at magiging laman ng testimonya ni Tang.
Samantala, sinabi ng prosecution na ipinadaan ang subpoena kay Tang sa tanggapan ni house prosecutor Rep. Chel Diokno upang maprotektahan ang privacy at seguridad ng retired magistrate, lalo’t wala na itong ibang address na maaaring gamitin kundi ang kanyang tahanan.
Sa cross-examination, lumitaw na ipinadala ng tanggapan ni Diokno ang subpoena kay Tang sa pamamagitan ng email.
Tinangka rin ng depensa na alamin kung binigyan ba ng impeachment court ng awtoridad si Diokno na magsilbi ng subpoena, ngunit hindi na ito naresolba matapos ipaalala na hindi maaaring tanungin ang presiding officer bilang isang testigong nasa ilalim ng panunumpa.















