-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nanawagan ng agarang tulong ang mahigit 400 Overseas Filipino Workers (OFWs) na nawalan ng trabaho sa isang kompanya sa Riyadh, Saudi Arabia, dahil sa epekto ng Coronavirus Disease (COVID-19) pandemic.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Rico Eugenio, aluminum installer sa isang malaking kompanya sa Riyadh, apat na buwan na aniya silang walang trabaho matapos tumigil ang kanilang operasyon.

Kaugnay nito, humingi na sila ng tulong sa Philippine Overseas Labor Office para makabalik na sila sa Pilipinas ngunit pinaasa lamang daw sila.

Ayon pa kay Ginoong Eugenio, ang iba nilang kasama ay napipilitang maghalungkat ng mga basura para makahanap ng mga puwedeng makain.

Dahil aniya sa labis na pag-aalala sa kanilang sitwasyon ay isa nilang kasama na taga-Taguig City ang namatay.

Samantala, may mga kapwa OFWs sila sa Saudi Arabia ang nagbibigay ng tulong sa kanila ngunit ayaw nilang umasa na lamang kaya umaapela kina Pangulong Rodrigo Duterte, Senador “Bong” Go at Labor Secretary Silvestre Bello III na tulungan silang makauwi na sa Pilipinas.