-- Advertisements --

Naitala ang COVID outbreak sa militar ng South Korea matapos na magpositibo ang nasa mahigit 80 porsyento ng mga military personnel na sakay ng barkong The Great Destroyer na nagsasagawa ng anti-piracy patrol sa Gulf of Aden sa karagatan ng Africa.

Nitong Lunes, kinumpirma ng Joint Chiefs of Staff ng South Korea na nasa kabuuang 247 mula sa 301 sailors na lulan ng barko ang nagpositibo sa COVID-19.

Tinatayang nagsimula ang COVID infection outbreak matapos na dumaong ang barko sa isang pantalan sa Africa noong katapusan ng Hunyo para kumuha ng mga supply kung saan isa sa mga sailor ang nakitaan ng sintomas isang araw bago lisanin ng barko ang naturang port.

Sa sumunod na linggo nakitaan din ng kaparehong sintomas ang ilan pang military personnel na sakay ng barko.

Sinuri ang mga ito gamit ang rapid antigen test sa halip na RT PCR test kung saan lumabas na negatibo ang kanilang resulta.

Base naman sa military resources, iniulat na walang naitalang severe cases sa mga apektadong personnel lulan ng barko subalit mayroon lamang isa na nakitaan ng kondisyon na kinakailangang ng masusing monitoring.

Ayon sa Defense ministry ng bansa wala ni isa sa mga sakay ng barko ang nabakunahan pa kontra COVID-19 dahil umalis aniya ang mga ito sa bansa noong buwan pa ng Pebrero bago pa man magsimula ang vaccination campaign para sa mga military personnel. (with report from Bombo Everly Rico)