-- Advertisements --

Inaasikaso na raw ng Bharat Biotech mula India ang paghahain ng regulatory documents para sa approval ng kanilang COVID-19 vaccine na COVAXIN sa 40 bansa.

Sa pahayag na inilabas ng kumpanya, sinabi nito na hinihintay na lamang nito ang approval matapos maipadala ang lahat ng kinakailangang documentation sa Brazil at iba pang bansa.

Ibabase umano ang presyo ng COVAXIN sa supply timelines, purchase commitments at procurement volumes ng isang bansa.

Una nang sinabi ng COVAXIN na posible itong magpadala ng doses ng bakuna sa Brazil at United Arab Emirates ngayong linggo. Subalit hindi na nito pinangalanan pa ang ibang mga bansa na makakatanggap ng COVAXIN doses.

Inaasahan ng Bharat Biotech na sa Marso ay matatanggap na nito ang resulta ng ongoing trial ng bakuna sa 25,800 participants sa India.

Kasalukuyang ginagamit ang COVAXIN sa vaccination campaign ng India kung saan kabilang ang nasa siyam na milyong health workers at target na mabakunahan ang 300 milyong residente ng bansa sa buwan ng Agosto.