Kinumpirma ng South Korean government na nakahanda itong bumili ng coronavirus vaccine para sa 44 milyong residente ng South Korea, katumbas ito ng halos 90 percent ng populasyon ng nasabing bansa.
Bibilhin umano ang mga gamot na ito sa Astrazeneca sa pamamagitan ng global vaccine project na COVAX na dinisenyo upang siguruhin na magiging pantay ang access ng bawat bansa sa COVID-19 vaccine.
Ayon kay Health and Welfare Minister Park Neung Hoo, ang orihinal na plano ng South Korea ay bumili ng bakuna para sa halos 30 milyong indibidwal ngunit dadamihan pa nila ito bilang paghahanda na rin sa magiging epekto ng bakuna.
Gagawin aniya na prayoridad ng gobyerno na mabakunahan ang nasa 36 milyong katao, kabilang na ang mga matatanda at may malubhang sakit.
Inaasahan na sisimulan ito sa susunod na taon.
Aabot naman ng 1.3 trillion won o halos $1.2 billion ang alokasyong budget ng bansa para sa pagbili ng nasabing bakuna.