Inihayag ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na nananatiling walang bayad ang mga swab test para matukoy ang impeksyon ng Covid-19 para sa mga umuuwi na overseas Filipino worker (OFW).
Ito ay matapos aprubahan ng Board of Directors ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang isang resolusyon sa pagpapatuloy ng coverage ng SARS-Cov-2 (Covid-19 virus) testing para sa mga umuuwi na OFW, alinsunod sa Interagency Task Force Resolution No.168 , series of 2002.
Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), ang PhilHealth Advisory No. 2022-0026, na nilagdaan ni PhilHealth Officer-In-charge President at Chief Executive Officer Atty. Eli Dino D. Santos, na ang ahensya ay maglalabas anumang oras sa lalong madaling panahon ng isang circular order para sa mga detalye ng mga alituntunin.
Saklaw ng advisory ang lahat ng mga umuuwi na OFW sa epekto ng PhilHealth Coverage para sa Covid-19 testing sa lahat ng government-accredited laboratories sa buong bansa.
Sinabi ng PhilHealth na kinikilala ng gobyerno ang malaking papel ng mga OFW sa pagbangon ng ekonomiya ng Pilipinas.
Sa bahagi nito, ikinatuwa ng Overseas Workers Welfare Administration-National Reintegration Center for OFWs (OWWA-NRCO) ang bagong resolusyon ng PhilHealth, at sinabing malaking tulong ito para sa mga OFW na sumunod sa programa ng gobyerno laban sa kinatatakutang sakit.