-- Advertisements --

Mas maganda na ang sitwasyon ngayon ng National Capital Region (NCR) sa harap ng COVID-19 pandemic kumpara sa kaparehong period noong nakaraang taon, ayon sa OCTA Research group.

Kabilang sa mga indicators na kinunsidera ng grupo para masabi ito ay ang average daily cases, reproduction number, daily attack rate, active cases, at positivity rate sa ngayon.

Sa kanyang Twitter account, sinabi ni OCTA fellow Dr. Guido David na halos lahat ng mga indicators na ito ay maayos na sa ngayon base sa November 1-7, 2021 period vs kaparehong mga petsa noong nakaraang taon.

Base sa table na kanyang ipinakita, natukoy na 405 ang average daily cases sa ngayon, mas mababa kaysa 501 sa kaparehong period noong 2020.

Ang reproduction number naman ay 0.37 ngayong taon, hindi hamak na mas mababa kaysa 0.78 percent na naitala noong nakaraang taon.

Samantala, ang daily attack rate sa kada 100,000 indibidwal ay mas mababa rin ngayong taon sa 2.86 percent kumpara sa 3.63 percent noong 2020.

Gayunman, ang bilang naman ng mga okupado nang hospital beds ay bahagyang mas mataas ngayong taon sa 2,389 kumpara sa 2,290 noong nakaraang taon.

Maging ang nagagamit na ICU beds ngayong 2021 ay bahagyang mas mataas din dahil pumalo ito sa 524 kumpara sa dating 322.