BUTUAN CITY – Binigyan ng hanggang ngayong araw, March 18, ang lahat ng mga local at foreign tourists para umalis sa Dinagat Islands province.
Ito’y matapos magpalabas ng Executive Order (EO) No. 03-004, Series of 2020, si Governor Kaka Bag-ao na nagbabawal sa pagpasok ng lahat ng local at foreign vessels upang makontrol ang mas paglaganap ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Ito’y bilang pagsunod sa Presidential Decree na nagdedeklara ng State of Public Health Emergency dahil sa COVID-19 na epektibo ngayong Miyerkules hanggang sa tanggalin na ang deklarasyon.
Nakasaad sa kautusan na bawal sa territorial waters ng Dinagat ang lahat ng mga foreign vessels pati na ang mga fishing vessels na hindi rehistrado o walang permit mula sa mga local government units ng lalawigan, pati na yaong mga pasahero at cargo vessels mula sa mga lalawigan na labas sa naturang isla at ng Surigao del Norte.
Hindi naman kasali rito ang may mga mahahalagang pakay para sa mga construction at infrastructure projects na nag-commit na sa provincial government ng Dinagat.
Nakasaad din sa EO na hindi papababain ang lahat ng mga tripolante at pasahero ng mga barko, habang ang mga cargo handling operations gaya ng pagtanggap, pag-handle, pagkustodiya, security, at delivery ng cargo, ay gagawin lang ng mga arrastre operators.