LAOAG CITY – Kasabay ng unang araw ng community quarantine sa Metro Manila, idineklara naman ni Governor Matthew Marcos Manotoc ang general community quarantine sa Ilocos Norte.
Sa pamamagitan ng Executive Order No. 60-20, ang mga lokal na gobyerno ay dapat sumunod sa mga direktiba ng Department of Health at Department of Interior and Local Government para sa pagpapatupad ng general community quarantine sa sakop nila.
Base sa Executive Secretary of the Office of the President, ang general community quarantine ay lilimitahan ang paggalaw ng mga tao at dapat nasa corder points ang mga uniformed personnel at quarantine officers.
Kasabay din nito ang activation ng “Task Force Salun-at”.
Kabilang pa sa mga guideline ng general community quarantine ay ang pagbawal na makapasok ang mga positibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) maliban kung residente ito ng Ilocos Norte.
Pinagbabawalan din makapasok ang mga tao na nasa high risk katulad ng mga bata, 60-anyos pataas, buntis, at mga immunocompromised o “with co-morbidities.”
Hindi naman kasama rito ang mga health worker, otorisadong government official, mga nagbibiyahe para sa medical at humanitarian reason, mga pupunta sa abroad, mga magbibigay ng serbisyo at public utilities at ang sketelal work force.
Ang mga papasok sa lalawigan ay sasailalim sa check-up kung mayroon itong senyales o sintomas ng COVID-19.
Itinuturing na PUI o person under investigation ang mga taong babalik sa probinsya na may COVID-19 at dadaan sa interview, assessment at pipirma ng Health Information Form.
Lahat ng mga bumabiyahe ay dapat sumailalim sa 14-day quarantine.
Bawal na rin na pumasok ang mga cruise ship at commercial shipments sa probinsya.
Samantala, iniutos na rin ni Gov. Manotoc sa mga kasapi ng Bureau of Quarantine at Philippine Coast Guard na higpitan ang pagbabantay.
May nakalaang parusa sa mga lalabag ng mga kautusan at ang mga nagpapakalat ng maling balita.