Lalo pang bumaba ang COVID-19 reproduction number sa National Capital Region, ayon kay Dr. Guido David ng OCTA Research.
Sa isang tweet, sinabi ni David na ang COVID-19 reproduction number sa NCR ay bumaba pa sa 0.97 mula sa 0.99 na iniulat ng kanilang grupo kahapon.
Mababatid na ang reproduction number ay tumutukoy sa bilang ng mga taong maaring hawaan ng isang COVID-19 positive patient.
Sinabi rin ni David na ang NCR growth rate ay mayroong seven-day average na -22% na katumbas ng 4,480, at lahat ng 17 local government units sa rehiyon ay nakapagtala ng negative 1-week growth rate.
Ang report na ito ng OCTA ay para sa September 17 hanggang 23 period.
Kahapon, sa Laging Handa briefing, sinabi ni David na ang pagbaba ng COVID-19 cases sa NCR ay nagsimula nang inilagay ang rehiyon sa ilalim ng modefied enhanced community quarantine, gayundin aniya sa pagpapatupad ng granular lockdowns.
Sa ngayon, nasa ilalim pa rin ng Alert Level 4 ang Metro Manila.