Hindi na magpapatupad pa ng COVID-19 protocols at restrictions ang Department of Transportation sa mga pampublikong sasakyan sa bansa.
Alinsunod ito sa inilabas na Department Order No. 2023-017 ng kagawaran na nagtatanggal sa mandatoryong pagpapatupad ng COVID-19 protocols sa lahat ng mga pampublikong transportasyon sa Pilipinas.
Ayon kay DOTr Sec. Jaime Bautista, ito ay kasunod ng desisyon ng pamahalaan na alisin na ang State of Public Emergency sa buong bansa.
Aniya, agad itong ipatutupad ng kanilang ahensya sa air, land, at sea ports sa buong Pilipinas, pati na rin sa lahat ng mga tanggapan at attached agencies ng kagawaran.
Ibig sabihin ay hindi na kinakailangan o required pa ang pagsusuot ng facemask at hindi na rin ipinagbabawal ang pagsasalita o pakikipag-usap sa katabi tulad na lamang sa mga tren ng Manila Metro Rail Transit.
Samantala, kaugnay nito ay nilinaw pa rin naman ng mga kinauukulan na hindi ito magiging sapilitan at maaari pa ring magsuot ng facemask ang sinuman kung kanilang gugustuhin.