Nabulabog ang ilang pasahero at crew ng isang airline company na may byaheng Butuan City kaninang umaga, matapos matuklasang positibo sa COVID-19 ang isa sa mga sasakay sana sa eroplano.
Ang 39-anyos na pasahero ay kahapon pa umano sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at nakalusot ito sa mga thermal scanner na nasa terminal.
Nabatid lamang na infected ng COVID-19 ang ticket holder nang pumunta na ito sa check-in counter.
Nagtataka naman ang mga tauhan ng NAIA kung bakit tumuloy pa ang pasahero sa paliparan gayung nakasaad na sa hawak nitong test result na positibo ito sa COVID-19.
Agad namang tinawagan ng airport authorities ang Imus, Cavite health department na pinanggalingan ng pasyente.
Nagpadala naman ang Cavite ng ambulansya para sunduin ito at i-quarantine sa kanilang pasilidad.
Mabilis na nagsagawa ng pag-disinfect ang mga tauhan ng NAIA matapos ang naturang pangyayari.