-- Advertisements --

Makikipagpulong umano si US President Donald Trump sa US Senate at House Republicans para talakayin ang posibilidad ng tax relief measure na magbibigay ng epektibong paraan para labanan ang coronavirus.

Ang hakbang na ito ay upang makatulong umano sa mga empleyado na lubhang maaapektuhan ng outbreak.

Subalit ilang economists ang kinukwestyon ang planong ito ng presidente. Anila, marami sa mga empleyado ang pipiliin na mananatili na lamang sa kanilang mga bahay kaysa gumastos sa labas bilang pag-iwas na rin sa sakit.

Ilang mambabatas naman ang nagsusulong ng paid time off para nang sa ganun ay sumasahod pa rin ang mga empleyado na magkakasakit.

Ayon pa kay Trump, kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang White Hopuse sa Small Business Administration, airlines, cruise ship at hotel owners na makararamdam din nang epekto ng COVID-19 dahil sa pagbaba ng bilang ng mga consumers at maging pagkansela ng mga travel plans.

Ang naturang tax incentives ay hindi pa kasama sa $8.3 billion dollas aide package na pinirmahan ng presidente noong Biyernes. Layunin ng aide package na suportahan ang isinasagawang research para sa vaccines at para suporatahan na rin ang iba’t ibang estado na may kaso na ng coronavirus outbreak.

“We are going to take care of and have been taking care of the American public and the American economy. This was something that we were thrown into and we’re gonna handle it and we have been handling it very well,” saad ni Trump.

Samantala, tumaas pa umano ang pangamba sa Estados Unidos matapos maiulat ang pagtaas pa ng bilang ng mga kaso na nahawa sa coronavirus disease at ang pagbaba na rin doon ng mga sakay ng isang cruise ship.

Sa ngayon ay nasa 29 katao na ang namatay sa Amerika dahil sa virus, kung saan sa naturang bilang ay nasa 22 ang namatay sa Washington, dalawa sa Florida at dalawa rin sa California.

Umabot na rin sa 36 na mga estado ang may kaso ng COVID-19 na may kabuuang mahigit 700 ang kumpirmadong kaso ng nasabing sakit sa Amerika.