-- Advertisements --

Inihahanda na ang ilang aktibidad para sa ika-4 na death anniversary ni dating Pangulong Benigno Aquino III sa June 24.

Batay sa mga nakahanay na programa, magkakaroon ng memorial mass sa umaga sa Manila Memorial Park sa Sucat, Parañaque City. Ito ay inorganisa ng mga dating miyembro ng gabinete ng dating pangulo at bubuksan ito sa publiko.

Susundan ito ng launching ng President Benigno Simeon Aquino III Memorial Lecture on Leadership and Democracy.

Ang naturang lecture ay joint initiative ng Ninoy and Cory Aquino Foundation (NCAF), Ateneo School of Government, School of Humanities, at Dr. Rosita G. Leong School of Social Sciences. Idaraos ito ganap na alas-2:30 ng hapon.

Nakatakda ring ilabas ang aklat ukol sa buhay ng dating pangulo na may pamagat na “PNoy: Filipino”. Ito ay binubuo ng mga kwento ukol sa karera ng dating pangulo sa pulitika hanggang sa tuluyan siyang nahalal bilang pangulo ng bansa.

Hunyo 24, 2021 noong pumanaw ang dating pangulo sa edad na 61 dahil sa diabetic kidney disease.

Siya ay nagsilbi bilang ika-15 presidente ng Pilipinas mula 2010 hanggang 2016.