-- Advertisements --

Matinding napinsala ang isang major hospital sa Beersheba southern Israel matapos direktang tamaan ng missile strikes ng Iran.

Ang ospital na tinamaan ay ang Soroka Medical Center kung saan mahigit 30 katao ang nasugatan, ayon sa emergency service ng Israel.

Kinumpirma din ni Israeli President Isaac Herzog na napinsala ng missile ng Iran ang ospital target ang mga sibilyan.

Sa panibagong bugso naman ng missile strikes ng Iran ngayong Huwebes, iniulat ng Israel’s emergency service na Magen David Adom (MDA) na nasa 65 katao na ang nasugatan.

Tatlong biktima ang nasa seryosong kondisyon kabilang ang 80 anyos na lolo at dalawang lola na nasa edad 70 taong gulang.

Mayroon ding dalawang biktima ang nasa moderate condition at 42 katao ang nagtamo ng minor injuries mula sa mga shrapnel at mga pagsabog. Karagdagang 18 indibidwal din ang nasugatan habang patungo sa bomb shelter.

Ayon sa MDA teams, nilalapatan na ng medical care ang mga nasugatan at inililikas ang mga biktima patungo sa mga ospital.

Sa Iran naman, inihayag ng Israeli military na tinarget nito ang nuclear sites kabilang ang Arak heavy water reactor at Natanz facility.

Inilunsad ng Israel ang naturang strike matapos aprubahan ni US President Donald Trump ang mga planong pag-atake sa Iran subalit wala pang pinal na desisyon kung aatakehin ang Islamic Republic.

Nauna naman ng nagbanta si Iran Supreme Leader Ayatollah Ali Khamenei kay Trump sa kaniyang national address ng “irreparable harm” sakaling makialam ang Amerika sa laban nila kontra sa Israel.