Tiniyak ng Malacañang na nagsasagawa ng mga hakbang ang pamahalaan upang tugunan ang pagtaas ng presyo ng karneng baboy sa mga pamilihan.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro na ayon sa Department of Agriculture, tumaas ang presyo ng baboy dahil sa African Swine Fever (ASF).
Kaya kabilang sa mga hakbang na ginagawa ngayon ng DA ay ang repopulation program at paggamit ng bakuna laban sa ASF upang maibalik ang produksiyon ng baboy sa mga apektadong lugar.
Naglaan na rin ng pondo ang kagawaran para sa pagbili ng mga alagang hayop at mga breeder habang isinusulong ang bakunahan.
Sa kabila ng pagtaas ng presyo, wala namang price control na ipinatutupad sa ngayon.
Giit ng Palasyo, pinag-aaralan pa ang tamang balanse para hindi rin malugi ang mga nag-aalaga ng baboy habang pinoprotektahan ang interes ng mga mamimili.