Binawian ng buhay ang isang lalaki matapos pagsasaksakin ng kainuman nito sa Sitio Tuyaw, lungsod ng Guihulngan Negros Oriental.
Kinilala ang biktima na si Vicente Ensoy, 47 anyos at residente ng Brgy. McKinley habang ang suspek naman ay kinilalang si Ricken Estorco, 50 anyos, isang job order sa LGU at residente ng Barangay Magsaysay ng naturang lungsod.
Sa ekslusibong panayam ng Star FM Cebu kay Plt Jerome Delara, ang Deputy chief of Police ng Guihulngan City Police station, inihayag nito na nag-inuman ang dalawa habang nag-uusap nang bigla umanong nagka-initan.
Sinabi pa ni Delara na inaakala ng mga residente malapit sa pinangyarihan na nagsusuntukan lang ngunit laking gulat na lamang ng mga ito na dumudugo na ang tagiliran ni Estorco.
Bigla pang kumaripas ng takbo ang suspek upang magtago sa lugar ng kanyang asawa sa bukiring bahagi ng naturang Lungsod.
Ngunit agad naman itong nahuli ng mga kapulisan sa tulong ng nakakatandang kapatid ng suspek na siyang nagsumbong sa mga otoridad.
Naisugod pa sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima ngunit kalaunan ay binawian ng buhay.
Aniya, matagal na umano magkakilala ang suspek at ang biktima dahil sa kalapit barangay lang din ang kanilang tinitirhan.
Kasalukuyang nakadetain ang suspek sa Guihulngan City Police Station at nahaharap sa kasong Homicide.
Payo naman nito sa publiko na hangga’t maaari ay huwag uminom ng labis na alak upang hindi na makaperwisyo pa ng iba at maiwasan ang kahalintulad na insidente.