Nanawagan ang Malakanyang sa mga senador na gaganap bilang senator-judges na panatilihin ang kanilang pagiging neutral sa gitna ng mga isyung kinahaharap ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro na malinaw sa batas na ang mga senador na hahawak ng ganitong tungkulin ay kinakailangang walang kinikilingan at hindi nagpapakita ng pagiging biased.
Binatikos din niya ang umano’y lantaran at hayagang pagpapakita ng pagkiling ng ilang senador sa kasalukuyang mga usapin.
Hinimok ni Castro ang mga senador na igalang ang mandato ng taumbayan at isaisip na sila ay nanunungkulan hindi para sa iisang tao lamang kundi para sa kapakanan ng sambayanan.
Aniya, dapat magpakita naman ng kaunting kahihiyan ang mga senador, dahil ang sinisilbihan nga nila ay ang taumbayan.
Hindi naman binanggit ni Castro kung sino ang partikular na tinutukoy niyang senador, ngunit ang kanyang pahayag ay lumabas kasunod ng mga kontrobersiyang bumabalot sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.