Umapela si Sen. Aquilino “Koko” Martin Pimentel III sa mga kritiko na huwag idamay ang kaniyang asawa at iba pang kaanak sa mga batikos dahil sa isyu ng paglabag niya sa quarantine protocol.

Puna kasi ng marami, hindi na dapat lumabas ng bahay si Pimentel bilang PUI para hindi makahawa, at lalo pang naging masalimoot ang sitwasyon nang samahan nito ang kaniyang asawang manganganak sa Makati Medical Center (MMC).

Humingi na rin ito ng paumanhin sa mga opisyal, medical personnel at iba pang tauhan ng pagamutan.

Giit nito, hindi rin niya alam na positibo na siya nang magtungo sa MMC at nag-alala lamang sa kondisyon ng kaniyang misis na magluluwal ng sanggol.

Hiling naman nito sa MMC, huwag sanang pabayaan ang kaniyang asawa na nananatili sa pagamutan para makapanganak.