Dumipensa ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa delayed implementation ng nasa P108.3 billion halaga ng infrastructure projects na nakasaad sa isang report ng mga state auditors.
Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni DPWH Undersecretary for Planning, PPP, at Information Management Service Maria Catalina Cabral na ang delay sa rollout ng mga proyektong ito ay dahil sa COVID-19 pandemic.
Maging ang kanilang procurement process kasi ay apektado rin mula pa noong nakaraang taon nang inilagay ang bansa sa ilalim ng unang enhanced community quarantine.
Sagot ito ni Cabral matapos sabihin ni Senator Imee Marcos na mayroong napaulat na 3,283 infrastructure projects na hindi pa naipapatupad, na sinasabing nagkakahalaga ng P108.3 billion kapag pinagsama-sama.
Magugunitang sinabi ni retired DPWH Secretary Mark Villar na magpapatuloy pa rin ang “Build, Build, Build” infrastructure program kahit pa mayroon pa ring COVID-19 pandemic.
Sa ngayon, sinabi ni Cabral na pinalalakas pa nila ang kanilang mga ginagawang hakbang para mapabilis din ang procurement ng mga gamit para sa mga proyekto, gawing madali ang pagsumite ng mga documentary requirements mula sa mga suppliers.