Umiinit lalo ang tensyon sa pagitan ng Washington at Beijing hinggil sa kung sino ang dapat sisihin sa coronavirus outbreak.

Ilang ulit nang itinatanggi ng China na sa kanila nagmula ang virus habang ilang US officials naman tulad ni Secretary of State Mike Pompeo ang patuloy na itinuturo ito sa Beijing.

Matagal nang may alinlangan ang US officials patungkol sa ibinibigay na impormasyon ng China kasama na rito ang totoong bilang ng kumpirmadong kaso ng virus sa bansa.

Sa kabila ng mga papuri ni US President Donald Trump para kay Chinese President Xi Jinping, ilang ulit pa rin itong nagkomento sa paraan ng Beijing para kontrolin ang outbreak.

“I wish they could have told us earlier about what was going on inside. We didn’t know about it until it started coming out publicly, but I wish they could have told us earlier about it because we could have come up with a solution,” saad ni Trump sa isang press briefing.

Hindi naman nagdalawang isip ang Beijing na patutsadahan din ang American president.

Ayon sa tagapagsalita ng foreign ministry sa China, sinusubukan lamang ng Estados Unidos na sisihin ang Chinese government at ibaling sa kanila ang responsibilidad na dapat umano ay Amerika ang gumagawa.

Sinabi pa nito na imoral at iresponsable ang paulit-ulit na pagtawag ni Trump sa coronavirus bilang “Chinese virus.”